Servant Leadership ni Bro. Rommel Reyes, Pagbabahagi ni Sis Xylyn Mabazza
“Nang tayo ay nagdesisyon na maglingkod sa Holy Family Parish, pinayagan natin ang Diyos na makialam sa buhay natin.”
Iyan ay isa sa mga mahahalagang punto na binanggit ni Bro. Rommel Reyes sa kanyang Servant Leadership Talk noong ika-11 ng Disyembre, 2024 sa ating parokya. Ilan pa sa mga mensahe ng paglilingkod ang mga sumusunod:
- Ang paglilingkod sa simbahan ay palaging may kalakip na biyaya o blessing. Kapag naglilingkod sa Diyos, ang unang binibigay sa atin ay blessing. Pati ang ating mga pamilya ay damay sa mga biyaya;
- Masarap maglingkod ng masaya ang puso. Hindi pera ang nakapagbibigay ng totoong kasiyahan. Ito ay ang paglilingkod sa Diyos. Maikli lamang ang buhay. Masarap maglingkod;
- Kapag ikaw ay hindi na masaya sa ginagawa sa parokya, huminto ka na lang muna dahil hindi ka tatagal. Kapag naglilingkod ka sa Diyos, hindi ka mapapagod;
- Hindi tayo sa pari o kapwa naglilingkod. Tayo ay naglilingkod sa Diyos at wala ng iba pa. Kung tayo ay totoong naglilingkod, hindi natin titingnan ang ugali ng pari. Mas lalo natin siyang mamahalin kapag siya ay nagkakamali. Walang perpektong komunidad. Ipagdasal natin ang ating kaparian;
- Ang tapat na paglilingkod ay hindi patagalan. Wala ito sa tagal ng serbisyo. Kapag tinatama ka, magpasalamat ka. Sa pagtanggap ng pagkakamali, doon tayo gagaling at lalago.
Bilang mga tagapaglingkod ng simbahan, tayo ay nararapat lamang na sumunod sa mga pamantayan na ibababa sa atin. Kasama na rito ang tamang pagpili ng mga mamumuno sa atin. Ilan sa mga katangiang dapat taglay ng isang lider ay ang mga sumusunod:
- Obedience o Pagsunod
Kapag ang lider ay nagsalita, tayo ay sumunod. Katulad na lamang kung paanong tinawag ni Hesus si Pedro. Bilang isang sanay na mangingisda, alam ni Pedro na wala na silang mahuhuli. Ngunit dahil sinabi ni Hesus, inihagis ni Pedro ang lambat na nagbigay sa kanila ng maraming huli. Pinakita ni Pedro na ang pagsunod kay Hesus ay magdudulot ng mabuti. Mahirap maging lider. Hindi lahat ng iyong gusto ang mangyayari. Obedience is better than sacrifice.
- Empathy o Empatiya
Bilang isang lider, mahalaga ang mayroong malalim na pagkaunawa sa kapwa. Kahit anong talino, kung walang pakialam sa kapwa, balewala ang lahat. Walang perpektong komunidad. Normal lang na magkaroon ng samaan ng loob. Ngunit ang hindi normal ay ang patatagalin ito at tuluyang pagalis. Alamin ang kailangan ng ibang tao. Ang iyong kahinaan ay dahan dahan ring kilalanin at tanggapin.
- Teamwork o Pagtutulungan ng Magkakasama
Huwag matakot. Katuwang sa paglilingkod ang mga miyembro ng grupo. Huwag magisip ng masama sa kapwa. Huwag magsalita ng hindi maganda sa kapwa. Huwag pagtuunan ng pansin ang mga issue. Sa halip, bigyang pansin ang magagandang ginagawa. Ang komunidad ay nagtutulungan at hindi nagsisiraan. Ang pamilya ang ating unang komunidad.
- Sportsmanship o Isportsmanship
Sa darating na eleksyon, manalo man o matalo, hindi dapat magbago ang puso sa paglilingkod. Kapag hindi kayang gampanan, huwag ng tanggapin ang tungkulin.
Sa ating patuloy na paglilingkod sa Diyos, patuloy rin ang mga biyayang handog Niya sa atin. Ang buhay ay lalong binibigyan ng buhay. Sabi nga sa 1 Corinto 15:58:
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.”
Isang mensahe mula kay Fr. Arlo Yap ang siyang naghikayat kay Bro. Rommel na maglingkod sa Panginoon: “Kahit gaano ka katalino, kahit gaano ka karunong, kahit ikaw pa ang pinakamayaman sa mundo, kapag wala kang relasyon sa Diyos, babagsak ang buhay mo.”
Maging huwaran sana tayo ng tunay at tapat na lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng paghalal at pagsunod sa mga taong ating iluluklok upang tayo ay pamunuan tungo sa higit na kaluwalhatian ng Diyos.
___
Pagbabahagi ni Sis Xylyn Mabazza, miyembro ng ating Lectors and Commentators Ministry. Siya ay mapalad na pumasok sa kumbento nuong nakaraang ika-27 ng Disyembre 2024, pagkatapos ng sampung taon na pagsisilbi sa ating Parokya.
Comments
Post a Comment